Dahil International Women's Month ngayon aalalahanin ko ang isa sa pinakamamahal at hinahangaan kung babae sa buong mundo... Ang aking Lola Neneng.
Kagabi nung nag-log-in ako sa facebook ay picture niya agad ang bumulaga sa akin. Buhat-buhat niya ang sanggol pa noong pinsan ko. Bigla ko tuloy siyang namiss ng todo-todo. Medyo naguilty din ako kasi ilang taon na rin akong hindi nakakadalaw sa puntod niya.
Ang daming dahilan kung bakit ko siya namimiss. Una na siguro dahil nung aking mga formative years ay siya ang nag-alaga sa aming magkakapatid. Nag-aaral pa kasi pareho ang mga magulang ko noon kaya iniwan kami kay Lola Neneng. While my sister being cheerful and adaptable as she is eh madaling nakaadjust. Ako talaga ang nahirapan. Halos araw-araw yata tinatanong ko si Lola kung kailan kami susunduin nila Nanay at Tatay at siyempre si Lola lagi niyang sasabihin sa akin sa isang buwan o isang Linggo o minsan sasabihin niya sa darating na birthday ko. Matutuwa naman ako noon pero kapag hindi naman nangyari yung sinabi niya ay iiyak ako. Hindi niya ako kahit kailan pinagalitan kahit na I was being impossible that time. Kakausapin lang niya ako ng masinsinan para tumahan na ako.
Hindi madaldal ang lola ko. She is more of a listener. nagsasalita lang siya kapag may importanteng sasabihin pero pagdating sa aming magkakapatid willing siyang magkuwento at magturo ng lesson. Magaling siya sa Math kahit grade four lang natapos niya. Ang gusto sana niyang maging propesyon ay teacher. Yun nga lang nung magkagera kailangan niyang huminto sa pag-aaral. Medyo old school din kasi ang great grandfather ko, para sa kanya kapag babae sapat na ang matutong magbasa at magsulat. Mas importante ang makapag-asawa. Ang mga lalaki ang mas binibigyan ng priority. Sayang kasi matalino ang Lola ko at masipag sigurado akong magiging mahusay siyang guro kung nabigyan siya ng chance.
Dahil hindi naging guro ang naging trabaho ni Lola Neneng ay tindera ng chirchirya sa palengke. Ang sabi sa akin ni Tatay ang unang trabaho ni Lola eh labandera pero hindi naman makakabuhay yon ng anim na anak so nag-upgrade siya at naging tindera ng mani sa tabi ng eskuwelahan kaya lang mahirap ang walang puwesto at iisang produkto lang ang tinitinda so nag-upgrade uli siya. Nang tumubo ng malaki ang Lolo ko sa saka niya umupa ang lola ko ng puwesto sa palengke at namili ng mas maraming paninda. Papag lang talaga yung puwesto niya noon. Lahat ng mga tinda niya ay pinapatong niya sa papag. Ilang taon ding yon ang puwesto niya, Naabutan ko na nga eh. Pero siyempre kailangang mag-upgrade uli. Nang makaipon ng malaki-laki si Lola ay bumili na siya ng puwesto sa palengke. So hindi na lang sa papag nakalagay ang mga tinda niyang chichirya tindahan na talaga. Hindi na rin sa bahay nilalagay yung mga tinda sa gabi puwede na siyang iwan sa palengke dahil may storage na si Lola.
Sa tingin ko nga kaya sobrang sipag ni Lola Neneng ay dahil may gusto siyang patunayan. Ayaw kasi sa kanya ng great grandmother ko para sa lolo ko. Dahil nga babae si Lola neneng ay wala kahit na anong ipinamana sa kanya ang great grandfather ko. Yung mga lalaki lang ang may mana. Ang gusto ng great grandmother ko na ipakasal sa lolo ko that time yung nag-iisang anak ng isang magsasaka na nagmamay-ari ng malaking lupa at maraming kalabaw. Ang nalaman ko nga sa tsismis eh mahigit 20 daw yung kalabaw nun dati. Ngayon isa na lang ang natira at purista na ngayon. Sa bandang huli napatunayan ni Lola Neneng na siya ang tamang choice. Ang lolo Pentong ko kasi sobrang sipag kaya lang walang masyadong business acumen ang hilig lang talaga nun magtanim. Gusto rin ni Lolo na ang mga anak niya ay sumunod sa yapak niya at maging magsasaka rin. Kaya nga nasa elementary pa lang si tatay at mga tito ko eh marunong nang magsaka. Sa dulo eh walang naging magsasaka kahit isa sa kanila.Ang hirap kayang magsaka sabi nga ng tatay ko hanggang singit daw niya may buni dahil lagi siyang basa. lagi pa raw siyang nahuhulog sa kalabaw. Madaling araw kailangan gising na at pahinga na sa kanila ang pagpasok sa eskuwela.
Buti na lang si Lola Neneng always looks at the bigger picture. Alam niya na kailangan niyang kumilos din at magtrabaho para umangat ang buhay nilang mag-asawa at dahil doon mas nagkaroon ang mga tiyuhin ko ng ibang oportunidad sa buhay. May naging sundalo, ang tatay ko pulis, ang isang tito ko teacher, may nakapag-abroad may gumaya sa lola ko at nagtayo rin ng sariling tindahan.
Ang alam ko nga ayaw na ni tatay mag college at gusto na lang magtrabaho sa isang factory sa Maynila. Pinuntahan pa siya ni Lola sa Maynila para sabihang mag-aral siya. Kahit hindi nakapagtapos ang Lolo at Lola ko they value education more than anything, lalo na si Lola Neneng.
Isa rin sa namiss ko kay Lola ay ang pagiging maalalahanin niya. Hindi masyadong halata dahil hindi naman siya sweet na hahalikan ka o makikipaglaro sayo o magsasabi ng I Love You three times a day. Pero araw-araw pumupunta siya sa kapitbahay para kumuha ng gatas ng kalabaw. And she makes sure na naiinom namin yung gatas. Hinahalo pa nga niya minsan yon sa kanin namin.
Kuripot ang lola ko as in... wala yata sa bokabularyo niya ang salitang luho. Pero natatandan ko na dinala niya kami sa lungsod mahigit isang oras ang biyahe at maalikabok pa ang daan noon para lang isama kaming manood ng sine. Petrang Kabayo ang pelikulang pinanood namin hindi si Vice Ganda ang bida kung hindi si Roderick Paulate. Naalala ko yon dahil yon ang unang beses na nakapanood ako ng Sine at nakakain sa labas. For someone na balita lang ang pinapanood sa TV at hindi mahilig sa sine para lang mapagbigyan ang mga apo ay lumuwas pa ng lungsod sa araw na yun na lang ang pahinga niya. Sa akin malaking bagay iyon lalo na at nung panahon na yon eh ang lungkot ko dahil nga mayroon yata akong separation anxiety that time sa aking nanay.
Hindi niya ako nabilhan ng laruan kahit minsan pero lagi niya akong tinuturuan ng assignment sa Math at sinasamahan ako kapag sinusumpong ng saltik tuwing namimiss ko ang mga magulang ko. Wala na akong mahihiling pa sa kanya. pakiramdam ko nga siya lang ang nakakaintindi na kailangan kung mag-isa ng madalas kumpara sa ibang mga bata dahil hindi niya ako tinatanong kung bakit hindi ako mahilig maglaro at hindi niya ako pinapagalitan kahit ayaw kung madalas tumambay sa palengke dahil sobrang daming tao. I knew back then she understood my special condition and even if she didn't she never took it against me. Kahit sa lahat ng mga apo niya ako ang hindi pinakashowy alam ko na pantay pa rin ang pagtingin niya sa aming lahat. lahat importante, lahat may kanya-kanyang puwesto. Lahat apo niya. And i will always love her for that.
Nung magkasakit siya ako ang nagbantay sa kanya sa ospital.Ang sabi ng doktor yung sakit daw niya sa puso eh congenital at suwerte nga raw na tumagal ang buhay niya at nagkaroon pa ng anim na anak. Bukod pa sa kayod kalabaw si Lola Neneng buong buhay niya.
Nung pumanaw siya ay hindi ko pa rin yon inaasahan kahit alam ko namang hindi na rin talaga siya magtatagal. Iniisip ko kasi lagi na kaya niyang umabot hanggang 100 years old . Bakit nga ba hindi eh nagawa nga niyang magsurvive sa gera, sa discrimination dahil lang sa babae siya, maagang pag-aasawa at pagtatrabaho so naisip ko malalagpasan din niya yung sakit niya sa puso. Pero lahat pala talaga may hangganan.
Lagi kung iniisip na sana mas matagal pa namin siyang nakasama. Kahit sobrang ayaw ko ng gatas minsan sinusubukan ko pa rin siyang isabaw sa kanin kapag nasa probinsya ako kasi pakiramdam ko nandoon pa rin siya at binabantayan kami. Kahit alam kung hindi naman niya ako pagagalitan kahit nag-iinarte ako gusto ko pa ring mas maging mabait para hindi niya ako pandilatan.
I do want her to be proud of me dahil kung ano man opportunity meron ako ngayon malaking porsyento nun eh dahil sa nagsikap siya na maiahon ang buhay niya noon.
Marami na akong naririnig tungkol sa mga makabagong babae o mga babaeng ahead of her time. Si Lola Neneng hindi siya makabagong babae at hindi rin siguro siya maituturing na ahead of her time pero siya yung tipo ng tao na kahit siguro ilagay mo sa pinakamahirap na sirkumstansya ay magagawa pa rin niyang hindi lang basta magsurvived kundi magtriumph.