Monday, February 4, 2013

Pulang Pluma



Hindi ko na mabilang ang mga kuwentong iniyakan ko. Maramdamin nga siguro ako dahil  minsan kahit simpleng balita sa peryodiko binabago ang takbo ng araw ko. Hinahanap nga yata ng sistema ko ang mga bagay nagbibigay pasakit sa puso. Doon ko kasi nararamdamang buhay pa pala ako.  Pero sa kabila ng mga obsesyon ko sa kalungkutan mababaw lang din naman ang aking kaligayahan. Mabilis din akong matawa kahit sa mga gasgas nang komedya.

Mababaw ang luha mababaw ang tawa.

Kaya nga siguro hindi na kataka-takang matuwa ako sa isang simpleng mensahe na pinadala sa kin sa text.

Nasaan ka na ba? Kailan ka ba uli magpapakita?

Galing ang mensahe sa hinahangaan kung kaeskuwela nung nasa sekondarya pa lang ako. Halos dalawang taon na nung huli kaming magkita. Pagkatapos kasi ng aming pagtatapos ay para na lang  kasi akong paniking nagtago sa kuweba na tila takot masinagan ng araw. Wala namang nagtangkang personal na mag-usisa kaya nasorpresa ako na pagkatapos ng mahabang panahon may muling nagtanong at naghanap.

Nasaan na nga ba ako? Minsan ay hindi ko na rin alam. Madalas naman kasing tumatakbo ang isip ko sa kawalan.

Sa pagkabasa ko ng kanyang mensahe nakaramdam uli ako ng kakaibang kilig. Umabot yon hanggang dulo ng aking mga daliri isama na ang kuyukot pati na ang singit. Ang tagal na nung huli ko itong maramdaman. Masaya pa rin pala sa pakiramdam. Ginusto ko uling lumabas mula sa aking lungga kaya ininom kong muli ang mapait na medisina na nagbibigay sa akin ng lakas ng loob na harapin ang maingay na mundo. Tila kapeng barako ang mensahe na yun na gumising sa aking tila patay nang puso.

Gaya ng aking inaasahan isang maaliwalas na mukha ang sumalubong sa akin sa labas ng aming tahanan. Siya ang nagsilbing lampara sa madilim kung mundo noon. Nakatimo pa rin sa isipan ko ang mga ngiti niyang kasing tamis ng sorbetes. Parang rolyo lang din ng kamera na bumalik ang masasayang alaala, hindi kumukupas na tila kahapon lang kinunan.

Ang totoo nagkaroon kami dati ng unawaan na nagsimula sa isang simpleng biruan at mga inosenteng tinginan. May mga mensahe pa siya ng pagtangi para sa akin na sinulat niya sa magagandang papel na inipon ko naman sa isang maliit na kahon kasama ang mga liham, mga tula at pati lihim kung pangarap para sa aming dalawa na alam kung malabo nang matupad.

Kahit ang dami ko nang naubos na papel at tinta upang ilarawan ang damdamin ko para sa kanya ni minsan hindi ko nagawang sabihing mahal ko siya. Ngayon sa isang maliit na kuwaderno ko na lang naisusulat lahat ng aking mga nakatagong damdamin. Tila ba umiiyak ng dugo ang bawat letra na kadalasan ay basa rin ng luha dahil panghihinayang sa mga nabigo kung adhikain.

Mabilis na lumipas ang sandali. Halos wala rin naman kaming nasabi sa isa’t-isa. Marahil ay gusto lang niyang malaman kung kumusta na ba ako at kung totoo ba ang balita. Puro mga tsismis pero wala namang nakakaalam ng katotohanan. Nakatago lahat ng lihim sa kuwaderno sa ilalim ng kama ko. At mamayang gabi katulad ng dati gamit ang pulang pluma isusulat ko ang lahat ng lihim na habambuhay na sigurong makukubli sa mga tao.  

Isang simpleng hanggang sa muli lang ang paalam ko sa kanya. Pero alam ko  namang hindi na uli kami magkikita. Pinagbigyan ko lang ang sarili ko na makasama siya sa huling pagkakataon. Bakit nga ba hindi eh siya lang naman ang magandang nangyari sa buhay ko. 

Nang tuluyan na siyang makalayo ay mabigat ang mga paa kung bumalik sa aming tahanan. Sinalubong ako ng aking inang hindi magkandaugaga sa pag-aalaga ng wala pang isang taong gulang na sanggol.

Bakit nandito pa siya? Hindi ba dapat ipapaampon na siya sa mayamang intsik sa kabilang bayan? Malamig na tanong ko.

Ihahatid ko na nga hinihintay lang kita. Wala kasing kasama ang Tiyo mo. Alam mo namang hindi yon sanay na mag-isa. Hindi mo man lang ba titingnan ang anak mo kahit sa huling sandali?

Hindi ko siya sinagot dumiretso na lang ako papasok ng bahay. Sa aking silid doon ako muling nagtago. Malayo sa iyak ng sanggol na nanggaling sa aking bata pa ring sinapupunan. Pakiramdam ko masahol pa ako sa puta. May anak agad sa eh halos nagsisimula pa lang sa  pagdadalaga at higit sa lahat disgrasyada pa.

Isang oras pa ang lumipas ang narinig ko na ang boses ng aking pangalawang ama na tumatawag sa akin. Marahil ay alam na niyang umalis ang aking ina kasama ang aking anak. Hindi ko pinansin ang pagtawag niya.

Kinuha ko ang aking kuwaderno at nagsimulang magsulat. Tinapos ko na ang mga romantikong pangarap. Tinapos ko na rin ang ugnayan ko sa aking kawawang anak. Bagong kabanata na.

Nagbukas ang pinto, ni hindi ako lumingon.

Nandito ka na pala ni hindi mo sinasabi. Alam mo bang kanina pa kita hinihintay? Malambing ang tinig niyang yon. Nanigas lahat ng balahibo sa aking katawan. Para akong tinuklaw ng ahas sa mga sinabi niya. Nagtagis ang aking mga bagang pero hindi ako natinag sa aking puwesto.   

 Balewalang lumapit siya sa akin at hinagod ang aking buhok. Hindi pa rin ako kumibo. Sanay na ako. Bata pa lang ako pinakita na niya ang tunay niyang kulay. Ang lihim na matagal nang nakatago sa apat na sulok ng aming tahanan. Ang dahilan kung bakit mas pinili kung magtago na lang sa kadiliman.

Tila alupihan ang mga kamay niyang lumandas sa aking mga balikat. Noon matinding takot lang ang aking nararamdaman at pandidiri.  Ngayon lahat ay nauwi na sa matinding galit. Hindi lang ako makalaban noon dahil nagbunga ang kahayupan niya pero ngayong nailayo ko na ang anak ko, kaya ko na.

Habang hibang siyang humahalik sa aking batok kinuha ko ang nakatagong patalim sa ilalim ng unan ko. masyado syang bulag sa pagnanasa para madepensahan ang walang alinlangan kung pagtarak ng patalim sa kanyang tiyan.  Pagkatapos nyang mapaatras  ay tinarak ko naman ang patalim sa leeg niya. Ni hindi na siya nakalaban pa.

Ilang sandali pa ay dumating na ang aking ina. Kitang-kita ang matinding pagkagulat at takot sa kanyang mga mata.
A-nnong nangyari? Mabilis siyang sumaklolo sa asawa niyang naghihingalo. Nagkalat na ang dugo sa buong silid. Bakit mo to nagawa? histerikal niyang tanong sa akin.

Simple lang naman ang sagot ko. Ubos na kasi ang tinta ng aking pluma.

Pagkatapos noon ay nilapitan ko ang aking ina at tsaka inundayan siya ng saksak. Alam kung alam niya. Naririnig niya ang pag-iyak ko gabi-gabi. Ang matinding takot na hindi ko maitago tuwing naririnig ko ang boses ni tiyong. Nagtangka akong magsumbong pero siya pa mismo ang pumigil sa akin. Ngayon magkasama na uli sila ng taong mas pinili niyang protektahan kesa sa sarili niyang anak.

Umagos ang maraming dugo mula sa mga walang buhay nilang katawan.

Sa wakas marami na akong magagamit para sa aking pluma at  matatapos ko na rin ang huling kabanata ng aking istorya. 


12 comments:

  1. nakalulungkot isipin na kung sino pa ang taong pwedeng magtanggol sa atin ay siya rin ang nagtutulak upang tayo'y mahulog sa bangin.

    Mahusay... at gudlack sa iyong gawa!.. :D

    ReplyDelete
  2. akala ko kikiligin ako. kaawa awa pala sya. bakit me mga ganitong ina sa mundo.

    ReplyDelete
    Replies
    1. romance talaga ang unang plano ko. Hindi ko rin alam kung paano siyang nauwi sa madilim na ending.

      Delete
  3. salamat po sa paglahok :)

    ReplyDelete
  4. Ang husay! Madugo ang ending! Good luck sa entry!

    ReplyDelete
  5. Gusto ko ang istoryang ito... Magaling... Nais kong pasukin ang utak ng bida... hanga ako sa violent approach mo sa dulo...

    ReplyDelete
  6. Katatapos ko kang basahin yung bago mong novel thumbs up! Tapos ito pa. Haay idol!

    ReplyDelete
  7. THUMBS UP.... PARANG PINONG MUSIKA NA TINAPOS NG ISANG MALAKAS NA METAL ROCK :) DARK ANGEL

    ReplyDelete
  8. nakakaaliw :) and nakakashock.. This is a nice one.

    ReplyDelete
  9. nakakaaliw :) and nakakashock.. This is a nice one.

    ReplyDelete