Saturday, February 16, 2013

Mga Tips sa mga First Timer sa Paghahanap ng Trabaho

Tapos na ang Valentines, Prom at Chinese New Year at ang susunod na major happenings ay graduation.

Marami nang excited na  makawala sa kanilang future Alma Mater. Siyempre dun sa mga magtatapos ng college eh job hunting na ang pagkakaabalahan. Exciting at nakakakaba at the same time.

So para naman mabawasan ng konti ang kaba at novice error sa pag-aapply ng trabaho magbibigay ako ng tip. O di ba feeling expert lang.

Unang essential eh ang resume. As much as possible huwag masyadong habaan. Busy ang HR wala silang oras magbasa ng nobela. Tama na ang two pages. Yung mga seminar na naattendan nyo nung panahon pa ni Mahomma ay huwag nang isama. Kung may mga awards at recognition kayong natanggap okay din naman na ilagay pero huwag namang lahat. Magfocus ka dun sa college achievements. Wala silang pakialam na sumali ka ng quiz bee nung grade 6 at nanalo ng first prize. 

Yung picture bawal yung mga duck lip at kinunan gamit ang sariling digital camera sa CR nyo sa bahay. Huwag cheapskate maghanap ng matinong photo studio. Okay na tanggalin ang malaking taghiyawat mo through photoshop pero huwag naman OA na pati sarili mong nanay eh hindi ka na makikilala sa picture.

Kapag may pag-asa ka tatawagan o itetext para papuntahin sa interview. Dito na kailangan talagang maging bibo. Importante ang magandang impression.

Depende sa inaapplyang trabaho ang outfit. Kung sa call center ka mag-aaply okay lang hindi masyadong formal. Hindi na kailangang magtie ng mga lalaki na kala mo ay aattend sa Prom. Basta presentable okay na. Sa mga girl naman huwag namang mag mini skirt at magsuot nang mataas na takong unless yung mismong future employer ang magrequire. Wear make-up pero manipis lang. Tsaka siguraduhing hindi oily ang face nakakadistract yon sa interviewer.   

Magbaon ng tubig at biskwit. Minsan sa dami ng applicants eh aabutin talaga kayo ng buong araw. hindi mo gugustuhing himatayin ka sa gutom. Minus points agad yon. Importanteng magdala ng ballpen, may mga oras kasing you'll need to fill out some forms o kaya bibigyan kayo ng exam. Nakakahiya namang lagi kayong nanghihiram sa katabi. Madalas mangyari to sa akin. Pati si manong guard nahihiraman ko ng ballpen. 

Huwag pumunta ng walang alam tungkol sa kumpanyang pinag-aaplyan mo. May mga website at facebook page ang mga yan basahin nyo ng hindi kayo magmukhang clueless kapag tinatanong na kayo.

Dumating ng maaga. Hindi on time ha kundi mas maaga sa oras. Kailangan mo pa kasing pumunta ng wash room para ayusin ang sarili mo. Gawin na ang mga dapat gawin. Kung may mga ritual katulad ng paglalagay ng barya sa sapatos para suwerte, pagdarasal ng hail mary o pagtetext sa Jowa mo para humingi ng goodluck magagawa mo lang yun kung maaga kang darating.

Habang naghihintay. I-try mong maging busy. Makipagtsikahan sa ibang aplikante. Kung snob ka o mahiyain magdala ng libro para yun ang basahin. Nakakatulong yan para hindi ka masyadong kabahan.


Sa oras ng interview puwede ang kabahan pero Bawal ang Shunga.  Makinig ng mabuti sa nagtatanong nang tama ang maisagot mo. Kung hirap kayong makipag eye contact kahit sa noo or ilong na lang kayo tumingin. Kahit hindi kayo masyadong confident sa sinasabi nyo try to sound confident. Ibig sabihin huwag masyadong mahina ang boses na kailangang sabihan pa kayo ng can you speak a little louder.

Hindi nangangain ng buhay ang mga interviewer. Infact friendly ang karamihan sa kanila. Naiintindihan nila na kabado ka na kaya bakit ka pa nila tatakutin di ba? Sila din naman ang puwedeng mawalan ng mahusay na future employee kung dadaanin nila sa gulpi de gulat ang mga aplikante.

Madalas eh english talaga ang ginagamit sa interview pero kung tinagalog ka na nung interviewer aba'y pagkakataon na yan para gamitin ang first language huwag nang ipilit ang balikong English. Pero huwag naman masyadong matakot magkamali pagdating sa grammar na halos isa o dalawang salita na lang lumalabas sa bibig mo tuwing tinatanong ka. Nangyari ito sa akin before kaya ayun hindi na ako nakapasok sa second interview. Ang mga kumpanya ngayon result oriented kaya hindi nila masyadong type yung mga passive pero huwag naman yung parang nasobrahan ka na sa kape at energy drink sa sobrang hyper. 

Hindi na nga pala taboo ngayon ang magtanong tungkol sa suweldo eh sa yun naman talaga ang dahilan mo kung bakit ka nag-aaply ng trabaho. Oo nga pala dont undervalue yourself baka mamaya kahit 5k na suweldo okay pa rin sayo pero huwag naman masyadong ambisyoso na pang manager agad ang taas ng suweldo na gusto. Kahit graduate ka pa ng sosyal na school you will still need to prove yourself worthy.


Masyado nang mahaba ito. Congrats at Good luck sa mga malapit nang gumradweyt. At sana mahanap nyo ang inyong dream job.




1 comment:

  1. tama lahat at sobrang pasok sa banga ang iyong mga tips... magamit nga ang ilan...


    salamat sa iyo...

    ReplyDelete